Tuesday, October 2, 2007

tugon


Hi aking unang anak at unang pamangkin,

Masasabi mo sigurong may pagka-emosyonal ang dating ng sulat na ito pero hinihiningi kong basahin mo ito ng may buong pangunawa at pagpapasensya dahil una, emosyonal nga siya at pangalawa, mahaba siya.

Hayaan mo akong mangusap sa iyo sa pamamagitan ng sulat na ito. Gaano man ako kalungkot sa pagka-miss ko sa iyo, pipilitin kong maging masaya at pai-babawin ang saya ng ideya na mababasa mo ito at mapapangiti ka kahit ilang segundo lang.

Nais kong sabihin sa iyo na masaya akong malaman na tumatawid ka na sa ibayo ng buhay.

Sabi mo simple ka at mahiyain. Palagay ko, naging biktima ka lang ng pamilya at sirkumstansya. Marahil, nangingibabaw ang takot na maari kang tuksuhin at laitin ng mga siraulo mong tito/kuya nung ikaw ay bata pa. Malamang nga na tama ka, kung sa ibang pamilya ka lumaki, hindi mo dadanasin ang pangungutya at pagsikil sa kalayaan mong matuklasan kung ano ka at anong pwede mong magawa. Marahil nga.

Sabi mo wala kang talento. Hayaan mo akong kontrahin ka sa sinabi mong iyon.

Nang isinulat mo ang sanaysay tungkol sa Sining at ang Diyos, nakilala ko ang isang Menggay na hindi ko pa nakikita at nakilala kahit kailan. Sumibol ang isang tunay na manunulat na may lalim ang pinaghuhugutan. Hindi lahat ng tao maaring sumulat ng sanaysay na may saysay mahal kong Menggay. Talento ang nagdidikta sa taong iyon. May kakayanan kang humabi ng mga salita at pangungusap para tunawin ang malalamig na damdamin at ituon ang mga mata sa ganda ng buhay gaano man ito kapangit. May kakayanan kang ilarawan ang mga tanawin at damdamin sa pamamagitan ng iyong mga salita, orihinal, at ikaw ang may gawa.

Huwag mong ikahon ang talento sa apat na uri lamang: ang pagkanta,pagsayaw, pagtula at pag-arte.

Maliban dito, may libo-libong uri ng talento ang nilikha ng Diyos. Alam kong alam mo iyan. Dangan nga lamang at madalas natin iyang kalimutan.

Mapait at masaklap ang buhay. Malupit din ito sa mga tao. Maaring hindi tayo ang naging sanhi ng pagiging malupit nito at tayo ay naging biktima lamang. Pero tandaan mo, tayo rin, tayo mismo na nagmamay-ari ng buhay na ito ang gumagawa ng sarili nating destinasyon. Tayo mismo ang gumagawa ng sarili nating desisyon:

Ang habang buhay nating sisihin ang mga tao at sitwasyon na dumungis at nagpapangit ng buhay natin o ang isipin at purihin ang Diyos na maylalang sa lahat ng ating nakikita at naranasan?

Kung tatanungin ako, naging negatibo ako sa buhay noon. Nalalaman kong iba ka sa akin at iba ako sa iyo. Ngunit hinihiling kong payagan mo akong magkwento sa iyo ng bagay na ipanagpapalamat ko:

Una, pinagpapasalamat kong mayroon akong buhay. Noong isang araw, may napanood akong kwento ng isang bata, siguro kasing edad niya lang si Alex. Nakita ko kung paano niya pinaglabanan ang huling hininga niya na parang sinasabi: “Please, hayaan mo akong huminga pa, hayaan mo kong makasama ang aking mga kapatid at nanay sa pagkain ng talbos ng kamote at saging. Hindi ako hihingi ng maraming pagkain, isang hininga pa, please. Isa na lang.”

Sa bandang huli, namatay din ang bata.

Pangalawa, nagpapasalamat ako sa mga taong mahal ko.

Nagpapapasalamat ako sa iyo at kay kuya chris at kay mama mo, kuya marvin at ate vic at kay kuya al, tonton, kuya ado, kuya admer, kay alex kay empot, kay bisoy, kay chan2x, kay vincent, angel, lyka, gilyn, ka kuya jack, ka mang kulot aka papa, jennilyn at isama mo na rin ang ibang kamag-anak.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon kasi buhay pa kayong lahat.

Ibig sabihin, may pagkakataon pa para ipadama ko sa inyo kung gaano ko kayo kamahal.

May oras pa.

Mayroon kaming kasama dito sa church na may cancer. Ang pangalang niya ay sister Jane. Alam mo baby Menggay, ang payat nya super. Siguro yung taba ko sa braso slice mo sa tatlo, ganun sya kapayat.

Ang hindi ko makakalimutan, after nyang maoperahan, bumalik uli sya sa church at kumanta ng:

“ My strength is in you Lord

My life is in You Lord,

My hope is in You Lord

In you, it’s in you…” habang lumuluha sa saya.

Sa isang taong malapit nang mamatay, ang kantang ito ay maraming kahulugan. Pakiramdam ko, malaking porsyento ng lakas at buhay ko ang nagamit ko sa maling bagay.

Pangatlo at huli, nagpapasalamat ako dahil araw araw, may mga himala at aral na nangyayari sa buhay ko. Araw-araw. Uulitin ko, araw araw.

Nakakainom ako ng chocolate drink, samantalang ang iba ay hindi man lamang makalunok ng isang butil ng bigas. Nakakalakad ako ng 30 minutes sa ilalim ng araw, samantalang may mga taong nabiktima ng car accident na naputulan na ng paa. (Sa UAE, araw araw, may car accident. Araw araw, may isang pares ng paa na pinuputol o isang buhay na binabawi.) Na-chachat ko kayo o na-eemail, samantalang yung iba, ni ABAKADA hindi marunong. Kahit birthday nila di nila alam.

Noong bata ako, sabihin na nating high school. Galit din ako. At sinisisi ko ang lahat ng nangyayari sa akin at lahat ng tao sa paligid ko. Naririmariman ako sa araw-araw na pagtatalo at pagsigaw. Sa loob at labas ng bahay, palagay ko sa kanilang lahat, monster. Nauhaw ako sa taong pwedeng makinig sa akin. Palagay ko, walang nakakaalam ng nasasaloob ko. Palagay ko: walang may pakialam. Marami akong sinisi, tao, pangyayari, utak na makikitid, mga mangmang sila. Huminto ako doon. Nakalimutan sisihin ang sarili ko dahil hindi ko man lamang tinangkang baguhin kung anuman ang nakagisnan ko.

Iba ka. Iba ako. Ang mga dinadanas mo ay hindi ko nararanasan ngayon o noon. Tunay ngang iba ka at iba ako. Pero sana magtiwala ka kung sasabihin ko sa iyong nauunawaan kita. Naiintindihan kita.

Hindi habang buhay, may oras tayo. Huwag mo sanang sumpain ang buhay ng bigay sa iyo ng Diyos. Huwag mo sanang sumpain ang talentong ipinagkaloob sa iyo.

Sa halip gamitin mo ito para mabago ang mga bagay na ayaw mo. Walang perpektong tao at sasabihin ko rin sa iyo, walang perpektong pamilya. Walang perpekto sa mundo. Ang kaligayahan ay natatamo ng isang tao natagpuan niya na ang hinahanap. Sa sarili ko, masasabi kong natagpuan ko na nga kung ano iyon. Ang mahalin ang Diyos at mahalin kayo habang buhay pa ako.

Hindi kita dinidiktahan aking baby Menggay. Wala akong kakayanang gawin iyon sa iyo. Isa rin ako sa mga mangmang.

Ang nais kong lamang sabihin sa iyo:

Maari kang magalit ka sa mundo.

Pwedeng pwede mong sisihin ang mga tao.

Malaya kang ipadama at sabihin lahat ng nasa loob mo.

Pero…

Huwag kang matapos sa ganito.

Huwag kang matapos sa pag-iisip na ang lahat na lang sa buhay mo ay mali. At tipo bang wala ka nang maipagpapasalamat.

Huwag kang matapos sa konklusyon na walang gustong makinig sa iyo.

Huwag mong isipin na ang bahay na tinitirhan mo ngayon ay walang pagmamahal at walang pagmamalasakitan.

Gamitin mo ang kalayaan mo na alamin ang buhay mo, magpasimula ng pagbabago at tumingin, hindi sa tao, kungdi sa Diyos na lumikha sa lahat ng ito.

Kilalanin mo ang ganda ng buhay, huwag mo lang silang isulat.

Kilalanin mo ang ganda ng mga tao, huwag mo lamang isipin ang kaartehan nila at kamangmangan.

Magpakatalino ka aking pamangkin, aking Menggay.

Magpakadalubhasa sa ganda ng buhay. Malalaman mo, mauunawaan mo, na ang mga maliliit na bagay na madalas nating ipagsawalang-bahala ang siya palang pinaka-importante sa buhay ng tao.

Maaring impyerno ang lugar kung saan ka naroroon sa ngayon, pero tignan mo, naririnig mo ang halakhak ni Lyka, ang atungal ni Leklek, ang pagsusumbong ni Bisoy, ang bungal ngunit cute na cute na si Chan2x, ang ating pink na bahay, (na minsan mukhang orange), ang bango ng damit ng mama mo pag galing siya ng Airport (na tinatawan natin minsan na ‘amoy Japan’ or ‘amoy package’, hanggan ngayon tanda ko pa ang bango nga nyon), ang tindahan nina kuya Fernan na pwede nyong pagtambayan.

At higit sa lahat, ang pinaka-magandang rooftop sa buong mundo. Nararating mo ito. At napupuntahan araw-araw. Kapag napapagod ka na sa away at sigawan, may isang Diyos na pwde mong pagsumbungan.Wala man kami sa tabi mo, ninais na rin ng Panginoon yun para maging mas close kayo.

Sa huli, nais kong sabihin sa iyo na mahal na mahal kita at patawad kung nagkulang man ako sa iyo ng pagpapakita ng pagmamahal na yun. Ako man ay naglalakbay rin gaya mo, sa landas ng buhay. Hindi pa rin ako perpekto.Pero sa habag at tulong ng Panginoon, we’re getting there.

Huwag mong kakalimutang magpasalamat sa Lord sa mga chocolate na may almonds at tandaan na hindi lahat ng tao nakita na ang magic na meron ang mga cherry blossoms. Maraming maganda at matalino, pero sa buong mundo iisa lang si Raziel Mae. Hindi ko siya panghabang buhay na baby. Pero naniniwala akong makakagawa siya ng pagbabago na kahit ako sa sarili ko hindi ko makakayanang gawin. Don’t fail God. Don’t fail yourself. Don’t stop searching. Through Him who can strengthen us in everything that we do, trust and entrust your prayers.

Mahal na mahal kita. At miss na miss na kita at kayong lahat…

Love lots,

Ate Ice

No comments:

OF WORDS AND QUOTES

Word of the Day

Quote of the Day